13. Subalit ipinasya ni Heliodoro na samsamin ang salapi para sa hari, gaya ng utos nito.
14. Kaya't nang araw na itinakda, pumasok siya sa templo upang bilangin ang salaping naroon. Sa ginawa niyang ito'y naligalig ang lahat sa buong lunsod.
15. Nagpatirapa ang mga pari sa harap ng altar at malakas na nanalangin sa Diyos na loobin nawang huwag magalaw ang salaping inilagak ng mga tao sa kabang-yaman ng Templo.
16. Nabagbag ang kalooban ng bawat makakita sa Pinakapunong Pari, sapagkat sa mukha niya'y nababakas ang labis na pagdaramdam.
17. Nanginginig siya sa takot at makikitang labis na nasasaktan ang kanyang kalooban. Halatang-halata ang pagkabalisang namamayani sa katauhan ng Pinakapunong Pari.
18. Nang mabalitaan ito ng mga tao, lumabas sila sa kanilang mga tahanan at pangkat-pangkat na tumawag sa Diyos. Nakita nila ang napipintong paglapastangan sa banal na dako.