Mga Taga-Roma 2:5-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Ngunit sa katigasan ng iyong ulo at di pagsisisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatuwirang paghatol ng Diyos.

6. Sapagkat igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa.

7. Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong patuloy na gumagawa ng mabuti, naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan.

8. Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan.

9. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego.

10. Ngunit karangalan, kapurihan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego

11. sapagkat walang itinatangi ang Diyos.

12. Ang lahat ng nagkakasala na hindi saklaw ng Kautusan ni Moises ay paparusahan, ngunit hindi batay sa Kautusang iyon. Subalit ang lahat naman ng nagkakasala na saklaw ng Kautusan ay hahatulan batay sa Kautusan.

13. Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos.

14. Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila.

Mga Taga-Roma 2