Marcos 6:38-52 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

38. “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya.Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.”

39. Iniutos ni Jesus sa mga alagad na pangkat-pangkat na paupuin ang mga tao sa damuhan.

40. Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo.

41. Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila.

42. Ang lahat ay nakakain at nabusog,

43. at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing.

44. May limanlibong lalaki ang kumain ng tinapay.

45. Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang kanyang mga alagad. Sila ay pinauna niya sa Bethsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi naman niya ang mga tao.

46. Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin.

47. Nang sumapit ang gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus naman ay nag-iisa sa pampang.

48. Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad,

49. nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw.

50. Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!”

51. Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha

52. sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tunay na kahulugan ng nangyari sa tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.

Marcos 6