Marcos 3:4-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

4. Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, “Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?”Ngunit sila'y hindi sumagot.

5. Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Galit at lungkot ang naramdaman niya dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling.

6. Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus.

7. Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea,

8. sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya.

9. Dahil napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa.

10. Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya.

11. Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!”

12. Ngunit mahigpit silang inutusan ni Jesus na huwag ipagsabi kung sino siya.

13. Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa bundok kasama ang mga taong pinili niya at sumunod sa kanya.

14. Buhat sa mga taong iyon ay pumili siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. Hinirang niya ang mga ito upang maging kasa-kasama niya at upang suguing mangaral.

15. Sila ay binigyan din niya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.

16. Ito ang labindalawang hinirang niya: si Simon, na pinangalanan niyang Pedro;

17. sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, sila'y tinawag din niyang Boanerges, na ang kahulugan ay “mga anak ng kulog”;

18. sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Makabayan,

19. at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus.

20. Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa.

21. Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kasambahay, sila'y pumaroon upang sawayin siya dahil sinasabi ng mga tao na siya'y nasisiraan ng bait.

22. Sinasabi naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!”

Marcos 3