1. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron,
2. “Sabihin ninyo ito sa bayang Israel: Ang sinumang lalaking may tulo ay ituturing na marumi.
3. At ito ang susundin niyang tuntunin malalâ man o hindi ang kanyang sakit, sapagkat siya'y itinuturing na marumi.
4. Ang alinmang higaan at upuang gamitin niya ay ituturing na marumi.
5. Sinumang makahipo sa higaan nito ay dapat maligo at magbihis. Lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.