Genesis 15:8-15 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Itinanong naman ni Abram, “Panginoong Yahweh, paano ko malalamang ito'y magiging akin?”

9. Sinabi sa kanya, “Dalhan mo ako ng isang baka, isang babaing kambing, at isang tupa, bawat isa'y tatlong taon ang gulang. Magdala ka rin ng isang kalapati at isang batu-bato.”

10. Dinala nga ni Abram ang lahat ng iyon at biniyak ang bawat isa maliban sa mga ibon. Inihanay niyang magkakapatong ang pinaghating hayop.

11. Bumabâ ang mga buwitre upang kainin ang mga ito, ngunit itinaboy sila ni Abram.

12. Nang lumulubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram, at nilukuban siya ng isang nakakapangilabot na kadiliman.

13. Sinabi ni Yahweh, “Ang iyong mga anak at apo ay mangingibang-bayan at magiging alipin doon sa loob ng 400 taon.

14. Ngunit paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila, at pag-alis nila roon ay marami silang kayamanang madadala.

15. Pahahabain ko ang iyong buhay; mamamatay at ililibing kang payapa.

Genesis 15