Tobit 14:7-10 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

7. Sa matuwid na paraa'y magpupuri na sila sa Diyos na walang hanggan. Magtitipon sa Jerusalem ang lahat ng Israelita na sa panahong iyon ay maghahangad na maligtas. Doon sa lupain ni Abraham na ibibigay sa kanila, hindi sila mababahala. Magagalak ang lahat ng tapat na umiibig sa Diyos, ngunit ang mga makasalanan at di-makatarungan ay lubos na lilipulin sa lupain.

8. “Mga anak, ito ang iiwan kong utos sa inyo: Maglingkod kayo nang tapat sa Diyos at mamuhay nang karapat-dapat sa harapan niya.

9. Turuan ninyo ang inyong mga anak ng mabuting gawain at sanaying magkawanggawa. Huwag nilang kalilimutan ang Diyos, at buong puso at masigasig na magpuri sa kanyang pangalan.“Tungkol naman sa iyo, Tobias, ito ang aking masasabi: Huwag kang mananatili rito, anak. Umalis ka agad sa Nineve

10. sa araw na ang iyong ina ay mailibing na kasunod ko. Kahit isang gabi'y huwag ka nang mananatili sa palibot ng lunsod na ito. Ang nakikita ko rito'y lahat ng uri ng kasamaan at panlilinlang na hindi man lamang ikinahihiya. Isip-isipin mo na lang ang ginawa ni Nadab kay Ahikar, ang taong nagpalaki sa kanya. Si Ahikar ay inilibing na buháy! Ngunit pinagbayaran ito ni Nadab; nasadlak siya sa walang hanggang kadiliman, samantalang si Ahikar ay umahong buháy. Iyon ang napala niya sa pagtatangka sa buhay nito. Sa patibong ni Nadab ay naligtas si Ahikar, sapagkat ito'y mapagkawanggawa. Si Nadab ang nahulog sa sariling bitag at siya ang namatay.

Tobit 14