5-6. Iyon ang naging tanggapan ng dalawang hukom ng bayan at doon nagpupunta ang mga taong may usapin. Nang taong iyon, nahalal na hukom ang dalawang matandang pinuno, at ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa kanila: “Lumabas sa Babilonia ang kasamaan sa katauhan ng dalawang matanda na naglilingkod sa bayan bilang mga hukom.”
7. Nakagawian na ni Susana ang mamasyal sa hardin ng kanyang asawa pagkaalis ng mga tao upang mananghalian.
8. Sa araw-araw na pamamasyal niya doon ay nakikita siya ng dalawang pinuno at naakit ang mga ito sa kanya.
9. Nagkaroon sila ng masamang hangarin sa babae. Sa kanilang pagkahibang kay Susana, tinalikuran nila ang pananalangin at kinalimutan ang kanilang tungkuling magpatupad ng katarungan sa bayan.
44-45. Dininig ng Diyos ang kanyang dalangin. Nang si Susana ay dinadala na sa bitayan, isang binatang nagngangalang Daniel ang nilukuban ng Diyos upang magpahayag ng pagtutol.
46. “Ayokong mapabilang sa mga sumasang-ayong patayin ang babaing ito,” sigaw niya.
47. Tinanong siya ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin, binata?”
48. Tumayo ang binata sa kalagitnaan nila at nagpatuloy ng pagsasalita, “Mga Israelita, hangal ba kayo at hinatulan ninyo ang babaing ito nang hindi muna sinisiyasat at maingat na inalam ang katotohanan?
49. Kailangang ulitin ang paglilitis; walang katotohanan ang katibayang inilahad ng dalawang iyan laban sa kanya.”
50. Nagmamadaling bumalik ang mga tao sa lugar na pinaglitisan. Sinabi ng mga pinuno, “Daniel, dahil binigyan ka ng Diyos ng karunungang gaya ng sa isang pinuno, halika at sumama ka sa amin sa paghatol sa usaping ito.”