63. Kapag inutusan ng Diyos ang apoy na bumabâ mula sa langit upang tupukin ang mga bundok at kagubatan, sumusunod agad ito. Ngunit hindi magagawa ng mga diyus-diyosan ang alinman sa mga iyon. Ni hindi nila iyon magagaya.
64. Bakit sila ituturing na diyos gayong hindi naman nila tayo kayang hatulan o gawan ng kabutihan?
65. Alam ninyong sila'y hindi diyos, kaya huwag ninyo silang sambahin.
66. Ang mga diyus-diyosang iyon ay walang kapangyarihan sa mga hari; wala silang kapangyarihang sumpain o pagpalain ang mga ito.
67. Hindi rin nila mabibigyan ang mga bansa ng anumang palatandaan mula sa langit; hindi sila makapagbibigay-liwanag tulad ng araw at ng buwan.
68. Mabuti pa sa kanila ang maiilap na hayop sapagkat ang mga ito'y nakakalayo sa panganib, o nakakapagtanggol sa sarili.
69. Maliwanag pa sa sikat ng araw na sila'y hindi diyos. Kaya huwag ninyo silang sambahin.
70. Ang mga diyus-diyosang iyon na yari sa kahoy at binalot ng ginto at pilak ay katulad lamang ng panakot ng ibon sa bukid.
71. Gaya ng halamang matinik sa isang hardin, sa halip na katakutan ng mga ibon ay nagiging dapuan. Ang mga diyus-diyosang iyon ay parang bangkay na itinapon sa kadiliman.
72. Ang magagara nilang damit na marupok na at nagkapunit-punit sa katawan ay nagpapatunay na sila'y hindi diyos. Sa wakas, pati ang kanilang katawang kahoy ay uubusin ng anay at magiging katawatawa sila sa buong lupain.