Liham Ni Jeremias 1:54-68 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

54. Hindi sila makakapagpasya tungkol sa sariling suliranin, o makapagbibigay katarungan sa sinumang naaapi. Gaya ng mga uwak na nagliliparan, wala silang silbi!

55. Kapag nagkasunog sa templo, magtatakbuhan ang mga pari at maiiwan ang mga diyus-diyosang kahoy na balot ng ginto at pilak. Masusunog silang parang mga posteng kahoy.

56. Hindi sila makakalaban sa mga hari o makakalusob sa sinumang kaaway. Sino ang maniniwalang diyos sila?

57. Ang mga diyus-diyosang iyon na yari sa kahoy at binalot ng ginto at pilak ay hindi makakatutol sa mga magnanakaw at tulisan.

58. Wala silang magagawa kunin man ng mga ito ang kanilang ginto, pilak at mga kasuotan.

59. Mas mabuti pa sa mga diyus-diyosang iyon ang isang haring matapang, o ang isang kapaki-pakinabang na gamit sa tahanan. Mas mabuti pa kaysa kanila ang pinto ng isang bahay na nakapinid upang hindi manakaw ang laman niyon. Mas mabuti pa ang isang haliging kahoy sa bahay ng hari kaysa mga diyus-diyosang ito.

60. Nilikha ng Diyos ang araw, ang buwan at ang mga bituin upang magbigay ng liwanag, siya'y sinusunod nila.

61. Gayon din ang kidlat at ang hangin. Ang kislap ng kidlat ay abot sa magkabilang dulo ng langit. Ang hangin ay umiihip sa lahat ng dako.

62. Kapag inutusan ng Diyos ang ulap na mangalat sa daigdig, ito ay sumusunod rin.

63. Kapag inutusan ng Diyos ang apoy na bumabâ mula sa langit upang tupukin ang mga bundok at kagubatan, sumusunod agad ito. Ngunit hindi magagawa ng mga diyus-diyosan ang alinman sa mga iyon. Ni hindi nila iyon magagaya.

64. Bakit sila ituturing na diyos gayong hindi naman nila tayo kayang hatulan o gawan ng kabutihan?

65. Alam ninyong sila'y hindi diyos, kaya huwag ninyo silang sambahin.

66. Ang mga diyus-diyosang iyon ay walang kapangyarihan sa mga hari; wala silang kapangyarihang sumpain o pagpalain ang mga ito.

67. Hindi rin nila mabibigyan ang mga bansa ng anumang palatandaan mula sa langit; hindi sila makapagbibigay-liwanag tulad ng araw at ng buwan.

68. Mabuti pa sa kanila ang maiilap na hayop sapagkat ang mga ito'y nakakalayo sa panganib, o nakakapagtanggol sa sarili.

Liham Ni Jeremias 1