33. Kung minsan naman, kinukuha ng mga pari ang damit ng mga diyus-diyosang iyon at ipinapasuot sa kanilang mga asawa't anak.
34. Paglingkuran man o laitin ang mga diyus-diyosang iyon ay hindi sila makakaganti. Hindi sila makakapaglagay o makakapagpaalis ng hari.
35. Hindi rin nila mapapayaman ang sinuman. Kung may mangako sa kanila ngunit hindi tumupad, ito'y hindi nila mapipilit.
36. Hindi nila maililigtas ang sinuman sa kamatayan at hindi nila maipagtatanggol ang naaapi.
37. Hindi nila maisasauli sa bulag ang kanyang paningin at hindi nila masasaklolohan ang nasa kagipitan.
38. Hindi sila maaawa sa biyuda at wala silang malasakit sa mga ulila.
39. Ang mga diyus-diyosang iyon na yari sa kahoy at binalot ng ginto at pilak ay walang iniwan sa batong galing sa bundok. Mapapahiya lamang ang mga sumasamba sa kanila.
40. Paano nga sila maituturing o matatawag na diyos?Sa ginagawa ng mga taga-Babilonia, ipinapahiya nila ang kanilang mga diyus-diyosan.
41. Halimbawa, dinadala nila sa templo ni Bel ang isang pipi upang idalanging makapagsalita na para bang si Bel ay nakakaunawa.
42. Kahit alam nilang hindi makakatulong ang kanilang mga diyus-diyosan, sinasamba pa rin nila ang mga ito dahil sa kanilang kahangalan.
43. May mga babaing nakahanay sa tabing daan, may taling kurdon at nagsusunog ng ipa kapalit ng insenso, at inihahandog nila ang kanilang sarili bilang babaing nagbebenta ng panandaliang aliw. Kapag may lalaking pumili sa kanya, ipinagmamalaki niya ito at kinakantyawan ang mga kasama na ang mga ito'y hindi kaakit-akit na tulad niya, kaya walang kumuha sa kanila.
44. Lahat ng may kinalaman sa mga diyus-diyosang ito ay pandaraya at kahibangan. Paano sila maituturing o matatawag na diyos?
45. Likha lamang sila ng mga karpintero at panday. Kung ano lamang ang nais palabasing hugis ng mga ito ay siyang mangyayari.
46. Kahit na ang mga may gawa sa kanila ay hindi mabubuhay nang matagal. Paano magiging diyos ang kanilang ginawa?
47. Ang iiwan ng mga taong iyon sa mga susunod na salinlahi ay pawang pandaraya at kahihiyan.
48. Kapag may digmaan at kalamidad, ang mga pari ang nag-iisip kung saan itatago ang mga diyus-diyosang iyon.