15. Mayroon pang may hawak na palakol at punyal, ngunit hindi naman maipagtanggol ang sarili para hindi masira sa digmaan o madala ng magnanakaw.
16. Nangangahulugan lamang ang mga ito na hindi sila diyos. Kaya, huwag ninyo silang sambahin.
17. Hindi naiiba sa isang sirang pinggan na wala nang pakinabang ang mga diyus-diyosang iyon na nakalagay sa kanilang mga templo. Ang mga mata nila'y puno ng alikabok na dala ng mga paa ng mga taong pumapasok doon.
18. Ikinakandado ng mga pari ang mga pintuan ng templo upang hindi mapasok ng magnanakaw. Kaya't nakakulong ang mga diyus-diyosan na parang mga bilanggong nakatakdang patayin dahil sa pagtataksil sa hari.
19. Ipinagsisindi sila ng mga pari ng maraming ilaw—higit pa sa kanilang kailangan. Ngunit isa man sa mga ito'y hindi nakikita ng mga diyus-diyosang iyon.
20. Ang loob nila'y kinakain na ng anay gaya ng mga poste ng templo. Ang mga damit nila'y nasisira ngunit hindi nila ito namamalayan.
21. Nangingitim ang kanilang mga mukha dahil sa usok na galing sa templo.
22. Dinadapuan sila ng mga paniki, ng mga layang-layang at ng iba pang mga ibon, at inuupuan ng pusa.
23. Ang lahat ng ito ay nangangahulugang sila'y hindi diyos. Kaya, huwag ninyo silang sambahin.
24. Ang mga diyus-diyosang iyon ay balot nga ng lantay na ginto para gumanda, ngunit kung hindi kukuskusin ay hindi kikinang. Hindi nila naramdaman nang sila'y tunawin at buuin.
25. Napakalaking halaga ang ibinayad sa kanila ngunit wala naman silang hininga.
26. Mayroon nga silang paa, ngunit hindi naman makalakad. Kailangan pang sila'y buhatin at pasanin ng tao. Talagang wala silang kabuluhan.
27. Kahit ang mga nag-aasikaso sa kanila ay napapahiya dahil kapag bumagsak ang mga iyon ay hindi makatayong mag-isa. At kung may magtayo naman, hindi makakilos ang mga iyon. At kung tumagilid ay hindi na maiayos ang kanilang sarili. Ang pag-aalay sa kanila ng handog ay parang pagbibigay ng handog sa mga patay.