1. Ito'y sipi ng liham ni Jeremias sa mga taga-Jerusalem bago sila dinala sa Babilonia bilang mga bihag ng hari ng Babilonia. Sinulat niya ito upang ipaabot sa kanila ang mensahe ng Diyos. Ganito ang kanyang ipinapasabi:
2. Nagkasala kayo sa Diyos, kaya ipinahintulot niyang kayo'y mabihag ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia.
3. Mananatili kayong bihag sa Babilonia sa loob ng mahabang panahon, hanggang sa ikapitong salinlahi. Pagkatapos, palalayain kayo ng Diyos at payapang pauuwiin sa inyong lupain.
4. Makakakita kayo sa Babilonia ng mga diyus-diyosang yari sa kahoy, ginto at pilak. Ang mga diyus-diyosang iyon na pinapasan ng mga tao ay labis na kinatatakutan ng mga pagano.
5. Huwag kayong tutulad sa kanila. Huwag kayong matatakot sa mga diyus-diyosang iyon kahit makita ninyong ipinagpuprusisyon at sinasamba nila ang mga ito.
6. Sa halip, ganito ang isaisip ninyo: “Panginoon, ikaw lamang ang aming sasambahin.”
7. Sasamahan kayo ng aking anghel at kayo'y iingatan niya.
8. Ang mga diyus-diyosan nila ay balot ng ginto at pilak at may dilang hinugis ng mag-uukit. Ngunit hindi sila makapagsalita sapagkat sila'y hindi tunay na diyos.
9. Iginagawa at pinuputungan sila ng mga tao ng koronang ginto na parang babaing mahilig sa alahas.
10. Kung minsan, ang ginto't pilak na handog sa kanila'y kinukuha ng mga pari at ginugugol para sa kanilang sarili.
11. Kung minsan ay ibinabayad pa sa mga babaing nagbibigay ng panandaliang aliw sa templo. Ang mga diyus-diyosang iyon na yari sa kahoy, ginto at pilak ay binibihisang parang tao.
12. Ngunit kahit sila'y bihisan ng magagarang damit na kulay ube na tulad ng mga hari, kinakain pa rin sila ng bukbok at kalawang.
13. Napupuno rin sila ng alikabok sa templo at kailangang may magpunas ng kanilang mukha.