Levitico 16:14-19 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

14. Kukuha siya ng dugo ng batang toro, at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay iwiwisik ito nang minsan sa harap ng Luklukan ng Awa at pitong beses sa harap ng Kaban ng Tipan.

15. “Pagkatapos, papatayin niya ang kambing bilang handog para sa kasalanan ng sambayanan. Magdadala siya ng dugo nito sa loob ng tabing at gaya ng ginawa niya sa dugo ng batang toro, iwiwisik din niya ito sa harap ng Luklukan ng Awa at sa harap ng Kaban ng Tipan.

16. Sa gayong paraan, lilinisin niya ang Dakong Kabanal-banalan sa mga karumihan at kasalanan ng bayang Israel. Gayon din ang gagawin niya sa Toldang Tipanan na nahawa sa kanilang karumihan.

17. Walang sinumang lalapit sa Toldang Tipanan sa sandaling pumasok doon si Aaron hanggang hindi siya lumalabas pagkatapos niyang maghandog para sa kasalanan niya, para sa kanyang pamilya at para sa kasalanan ng sambayanan.

18. Paglabas niya, pupunta siya sa altar na sunugan ng handog upang linisin din iyon. Kukuha siya ng dugo ng batang toro at ng kambing at papahiran niya ang mga sungay ng altar.

19. Sa pamamagitan ng kanyang daliri, pitong beses niyang wiwisikan ang altar upang ito'y pabanalin at linisin sa kasalanan ng mga Israelita.

Levitico 16