7. Siniyasat niya ang mga lagusan ng bayan at ang mga bukal na iniigiban ng mga Israelita. Nang makitang mapapakinabangan ang mga bukal, inagaw niya ang mga ito. Matapos magtakda ng mga kawal na magbabantay doon, siya'y nagbalik na sa kanyang kampo.
8. Nagpuntahan kay Holofernes ang lahat ng pinuno ng mga Edomita, Moabita, at mga bayan sa baybayin ng dagat. Sabi nila,
9. “Makinig po kayo sa aming payo, panginoon naming Holofernes, kung nais ninyong makaligtas sa mapait na pagkatalo ang inyong hukbo.
10. Ang mga Israelitang iyan ay hindi nananangan sa kanilang mga sibat kundi sa kataasan ng kaburulang kinalalagyan nila. Hindi madaling akyatin ang mga tuktok niyon.
11. Kaya, nakikiusap kami, huwag na nating tuwirang lusubin sila, nang huwag kayong malagasan kahit isang kawal.
12. Mamalagi na lamang po kayo sa inyong himpilan at ang mga kawal sa kanilang kampo. Ipakubkob na lamang po ninyo sa inyong mga kawal ang mga bukal sa paanan ng burol,
13. sapagkat doon umiigib ang lahat ng taga-Bethulia. Kapag uhaw na uhaw na sila ay isusuko rin nila ang bayan. Samantala, kaming lahat nama'y aakyat sa mga kalapit na burol at doon magbabantay para walang makalabas mula sa lunsod.
14. Mamamatay sa gutom ang kanilang asawa't mga anak. Bago pa sila abutin ng tabak, mahahandusay na ang kanilang mga bangkay.
15. Iyon ang magiging mabigat na parusa sa kanilang pagtanggi sa inyo, sa halip na makipagkasundo.”
16. Sinang-ayunan ni Holofernes at ng lahat ng kanyang tauhan ang mungkahing ito.
17. Agad niyang ipinatupad ang utos kaugnay nito. Ang pangkat ng mga Moabita ay lumakad kasama ng 5,000 taga-Asiria at nagkampo sa kapatagan. Pinigilan nila ang pagdaloy ng mga bukal na igiban ng mga Israelita.