6. Ang Panginoon din ang lumalang sa buwan,na siyang panukat sa pagkakahati-hati ng panahon.
7. Pananda sa pagdiriwang ng mga kapistahan,tanglaw na lumiliit at lumalaki batay sa kapanahunan.
8. Sa kanyang pag-urong at pagsulong binibilang ang mga buwan,kahanga-hanga ang walang patid niyang pagbabago.Patnubay ng di mabilang na mga tanglaw,na nagliliwanag sa rurok ng kalangitan.
9. Kariktan ng langit ang mga bituin,palamuting nagniningning doon sa kaitaasan.
10. Sa isang salita ng Diyos, lumilitaw sila sa pisngi ng langit,at walang pagod na nagbabantay sa buong magdamag.
11. Masdan ninyo ang bahaghari at purihin ang dito ay lumikha,kaakit-akit ang makulay niyang kagandahan.
12. Arko na nakaguhit sa kalawakan ng langit,hinubog ng mga daliri ng Poong Maykapal.
13. Sa utos ng Panginoon umuulan ng yeloat nagmamadali ang nag-aapoy na kidlat upang tupdin ang kanyang hatol.
14. Kapag binuksan niya ang kanyang imbakan,naglalabasan ang mga ulap na parang mga ibon.
15. Sa kanya ring utos, namumuo ang tubig na kipkip ng ulap,at nagiging mga butil ng yelo na bumabagsak sa lupa.