17. Kapag gusto niya'y agad umiihip ang hanging habagat,at humahagibis na dumarating ang buhawi at bagyo.Sa utos din niya'y dagling pumapatak ang yelo, tulad ng pagdapo ng mga ibon,at dumaragsa sa lupang parang makapal na balang.
18. Nakakasilaw sa mata ang busilak niyang kaputian,at nakakapagtaka ang marahan niyang pagpatak.
19. Pinatitigas niya ang hamog sa pamamagitan ng lamig at isinasabog sa lupa na parang pinong asin,at ito'y namumuo, tulad sa bulaklak na yelong kumikislap.
20. Kapag pinaihip niya ang malamig na hangin mula sa hilaga,nagiging matigas na yelo ang ibabaw ng tubig.Anupa't ang lahat ng mga ilog at lawa,wari'y natatakpan ng baluting kristal.
21. Ang mga kabundukang sinalanta ng tag-araw,at ang mga halamanang nalanta sa init,
22. ay muli niyang pinananariwa pagpatak ng ulan;at ang init ay napapalitan ng hamog na nagbibigay-buhay.
23. Siya rin, sa kanyang karunungan, ang nagpatahimik sa kalaliman ng dagat,at nagpalitaw ng mga pulo sa gitna ng tubig.
24. Ang mga naglalakbay naman sa malawak na karagatan ang nagsasalaysay ng mga kagulat-gulat na panganib doon,tayo nama'y mamamangha sa pakikinig.
25. May nakikita sila roon na mga kamangha-manghang nilalang,naglalakihang hayop-dagat at lahat ng nilikhang naninirahan sa tubig.
26. Sa kapangyarihan niya, nagagawa niya ang bawat maibigan,at sa bisa ng kanyang salita ang lahat ay nagkakaisa.
27. Hindi natin matatapos baybayin ang lahat niyang ginawa,kaya't wala na tayong masasabi pa kundi: “Ang Panginoon ang kabuuan ng lahat ng bagay.”
28. Paano natin siya pupurihin nang sapat,yamang siya, ang Dakilang Diyos, ay higit sa lahat niyang nilalang?
29. Siya ang maningning at dakilang Panginoon,kahanga-hanga ang kanyang kapangyarihan.