Ecclesiastico 34:5-18 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

5. Ang mga hula, pangitain at mga panaginip ay kahangalan.Sapagkat kung ano ang inaasam-asam ng isang tao ay siya namang inilalarawan ng kanyang guni-guni.

6. Hindi dapat pahalagahan ninuman ang panaginip,liban na lamang kung iyon ay talagang pangitaing mula sa Kataas-taasang Diyos.

7. Marami na ang nalinlang ng mga panaginip,at ang mga umasa dito ay napahamak.

8. Hindi kailangan ang mga ito sa pagtupad ng Kautusan,sapat na ang Karunungang itinuturo ng mga tapat.

9. Maraming nalalaman ang taong nakapaglakbay,at makahulugan ang sinasabi ng isang may malawak na karanasan.

10. Ang di pa nakaranas na maglakbay ay walang gaanong nalalaman,ngunit ang nakapaglakbay sa maraming lupain ay nakababatid ng maraming bagay.

11. Marami akong nakita sa aking mga paglalakbay,at ang mga natutuhan ko roon ay di ko kayang isalaysay.

12. Malimit akong nabingit sa kamatayan,ngunit nakaligtas ako dahil sa aking mga karanasan.

13. Matibay ang pag-asa ng mga may paggalang sa Panginoon,sapagkat ang pinananaligan nila'y may kapangyarihang magligtas sa kanila.

14. Ang may paggalang sa Panginoon ay walang kinatatakutan,hindi siya magiging duwag sapagkat nananalig siya sa Panginoon.

15. Mapapalad ang mga taong may paggalang sa Panginoonsapagkat alam nila kung kanino hihingi ng tulong.

16. Ang paningin ng Panginoon ay nakatuon sa mga umiibig sa kanya,siya'y matibay na sanggalang at alalay.Siya ang umaalalay sa kanila nang di sila matisod o kaya'y bumagsak.

17. Siya ang nagpapasigla sa kanilang kalooban, nagpapaningning sa kanilang mga mata,nagbibigay ng ganap na kalusugan,siya ang batis ng buhay at lahat ng pagpapala.

18. Isang paglait sa Diyos ang pag-aalay ng handog kung ito ay kinuha sa masamang paraan.Ang handog ng makasalanan ay di karapat-dapat.

Ecclesiastico 34