11. Dumarami ang ipinagkakasala ng taong laging nanunumpa,kaya't ang kanyang sambahayan ay hindi na hinihiwalayan ng sakuna.Kapag di niya tinupad ang sinumpaan, ito'y kasalanan;kapag ipinagwalang-bahala niya ang sinumpaan, ito'y dobleng kasalanan.At kapag siya'y nanumpa nang hindi naman kinakailangan, kasalanan pa rin.Kaya't sapin-sapin ang kapahamakang dumarating sa kanyang sambahayan.
12. May mga pangungusap na nakakatulad ng kamatayan;huwag nawang marinig iyon sa lahi ni Jacob.Ang may paggalang sa Diyos ay hindi gumagawa ng gayon,at di nagugumon sa kasalanan.
13. Huwag ninyong pamimihasahin ang inyong bibig sa magaspang at maruming pananalita,sapagkat iyan ay kasalanan.
14. Alalahanin mo ang iyong ama at ina,kapag nasa kapulungan ka ng mga dakilang tao.Baka makalimot ka sa sarili,at makagawa ka ng kahangalan.Pagkatapos, nanaisin mong hindi ka na isinilang,at susumpain mo ang araw ng iyong kapanganakan.
15. Ang taong nasanay sa pagsasalita ng masakitay hindi na mababago habang buhay.
16. May dalawang uri ng tao na patung-patong ang kasalanan,at may ikatlo na humihingi ng parusa ng Diyos.Ang lagablab ng kahalayan ay parang marubdob na apoyna hindi uurong ang ningas hanggang kamatayan.Ang nakikiapid sa kanyang kamag-anak,ito'y hindi titigil hanggang hindi siya natutupok sa apoy na iyon.
17. Ang taong hayok sa laman; ang ganitong tao'y walang patawad sa babae,at di siya matitigil hanggang kamatayan.
18. Ang lalaking nangangalunya;sinasabi niya sa sarili, “Sino ang nakakakita sa akin?Ako'y nasa gitna ng dilim! Natatakpan ako ng mga dingding;walang nakakakita sa akin! Anong dapat kong ikatakot?Hindi na mapapansin ng Kataas-taasang Diyos ang aking mga kasalanan.”
19. Wala siyang kinatatakutan kundi ang mata ng tao.Hindi niya naiisip na ang paningin ng Panginoonay ilang libong higit na maliwanag kaysa sikat ng araw,na minamasdan ng Panginoon ang lahat ng ginagawa ng tao,at nakikita ang pinakatatagong lihim.
20. Alam na ng Panginoon ang lahat bago pa lalangin ang mga ito,at mananatiling alam niya matapos lalangin.
21. Ang ganyang tao'y darakpin sa oras na hindi niya inaasahan,at paparusahan sa harap ng buong bayan.
22. Gayundin ang babaing nagtaksil sa asawa,at nagkaanak sa ibang lalaki.
23. Una, sumuway siya sa Kautusan ng Kataas-taasang Diyos;ikalawa, nilapastangan niya ang kanyang asawa;ikatlo, siya'y nangalunya,at nagkaanak siya sa ibang lalaki.
24. Ang ganyang babae ay paparusahan sa harap ng kapulungan,at pati ang mga anak niya'y madaramay.
25. Hindi sila igagalang sa lipunan,at hindi darami ang kanilang angkan.
26. Susumpain ang kanyang alaala,at hindi na mapapawi kailanman ang kanyang pagkapahiya.