14. Panginoon, dinggin ninyo ang aming dalangin alang-alang na rin sa inyong kapurihan. Loobin ninyong kami'y kalugdan ng mga bumihag sa amin.
15. Sa gayon, malalaman ng buong mundo na kayo ang Panginoon naming Diyos, at ang Israel ay itinalaga ninyo upang maging sariling bayan ninyo.
16. “Tunghayan ninyo kami mula sa inyong trono at dinggin ang aming dalangin.
17. Lingapin ninyo kami. Ang mga patay na nasa Hades ay hindi na makakapagpuri sa inyo o makakapagpahayag ng inyong katarungan.
18. Kami po lamang na mga buháy ang siyang makakaawit ng papuri sa inyo at makakapagbunyi ng inyong katarungan, bagama't kami ay baon sa hirap, lupaypay, mahina, at pinanlalabuan ng paningin dahil sa gutom.
19. “Panginoon naming Diyos, dumudulog kami sa inyong trono ng awa, hindi dahil sa anumang kabutihang nagawa ng aming mga ninuno o mga hari.
20. Pinaparusahan ninyo kami ayon sa ibinabala ninyo sa pamamagitan ng inyong mga propeta nang sabihin nila,
21. ‘Sinasabi ng Panginoon: Sumuko kayo at maglingkod sa hari ng Babilonia at pananatilihin ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno.
22. Kapag hindi kayo sumunod sa salita ko at hindi naglingkod sa hari ng Babilonia,
23. papatigilin ko ang lahat ng pagdiriwang at kasayahan sa mga lunsod ng Juda at sa Jerusalem. Pati ang pagdiriwang ng mga kasalan ay di na maririnig sa buong lupain. Ito ay masasalanta at hindi na titirhan ninuman.’