Baruc 2:1-19 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. “Tinupad nga ng Panginoon ang babala niya sa amin, sa aming mga hukom, mga hari, mga pinuno, at sa lahat ng taga-Israel at Juda.

2. Wala pang bayang nagdanas ng hirap tulad ng ipinaranas ng Panginoon sa Jerusalem nang isagawa niya ang kanyang ibinabala sa Kautusan ni Moises.

3. Sa tindi ng gutom, kinain ng magulang ang sarili nilang anak.

4. Pinapangalat kami ng Panginoon sa iba't ibang lupain at iba't ibang kaharian sa paligid. Kaya't naging kahiya-hiya ang aming katayuan at hinamak kami ng lahat.

5. Sa halip na ilagay sa mataas na kalagayan, kami'y ibinabâ sapagkat nagkasala kami laban sa Panginoon naming Diyos; hindi namin dininig ang kanyang tinig.

6. “Matuwid ang Panginoon naming Diyos, ngunit kami at ang aming mga ninuno ay sadlak pa rin sa kahihiyan hanggang ngayon.

7. Nangyari sa amin ang lahat ng kahirapang ibinabala ng Panginoon.

8. Gayunman, hindi pa rin kami nanumbalik sa kanya, ni tumigil sa aming kasamaan.

11. “Kayo po, Panginoon, ang Diyos ng Israel. Sa pamamagitan ng makapangyarihang mga gawa at kababalaghan ay inilabas ninyo kami sa Egipto. Ipinakita ninyo ang inyong lakas kaya't nakilala kayo ng mga bansa hanggang sa ngayon.

12. Nagkasala po kami, Panginoon naming Diyos. Nagtaksil kami sa inyo at nilabag namin ang lahat ng inyong mga utos.

13. Ilayo po ninyo sa amin ang inyong poot sapagkat iilan na lang kaming natitira dito sa mga bansang pinagtapunan ninyo sa amin.

14. Panginoon, dinggin ninyo ang aming dalangin alang-alang na rin sa inyong kapurihan. Loobin ninyong kami'y kalugdan ng mga bumihag sa amin.

15. Sa gayon, malalaman ng buong mundo na kayo ang Panginoon naming Diyos, at ang Israel ay itinalaga ninyo upang maging sariling bayan ninyo.

16. “Tunghayan ninyo kami mula sa inyong trono at dinggin ang aming dalangin.

17. Lingapin ninyo kami. Ang mga patay na nasa Hades ay hindi na makakapagpuri sa inyo o makakapagpahayag ng inyong katarungan.

18. Kami po lamang na mga buháy ang siyang makakaawit ng papuri sa inyo at makakapagbunyi ng inyong katarungan, bagama't kami ay baon sa hirap, lupaypay, mahina, at pinanlalabuan ng paningin dahil sa gutom.

19. “Panginoon naming Diyos, dumudulog kami sa inyong trono ng awa, hindi dahil sa anumang kabutihang nagawa ng aming mga ninuno o mga hari.

Baruc 2