25. Bumalik siya sa Jerusalem taglay ang tungkuling ito na pinagtibay ng hari, ngunit wala naman siyang kakayahan; ang taglay niya'y kabagsikan at pagiging asal-hayop.
26. Kaya't si Jason, na nagtaksil sa sariling kapatid ay pinagtaksilan din ng ibang tao. Sa takot niya, nagtago siya sa lupain ng mga Ammonita.
27. Nagpatuloy si Menelao sa pagiging Pinakapunong Pari ngunit sinira niya ang kanyang pangako sa hari na babayaran niya ito.
28. Si Sostrat na namamahala sa kuta at tagapaningil ng buwis ang naatasang maningil kay Menelao, ngunit kahit anong paniningil ni Sostrat ay walang nangyari. Dahil sa pagkukulang na ito, silang dalawa'y ipinatawag ng hari.
29. Agad lumakad si Menelao at iniwan sa kanyang kapatid na si Lisimaco ang pansamantalang tungkulin ng Pinakapunong Pari. Si Sostrat nama'y lumakad din at iniwan naman ang pamamahala sa kuta kay Crates na pinuno ng mga upahang kawal sa Cyprus.
30. Ang mga lunsod ng Tarso at Mallo ay ibinigay ng hari sa kanyang kinakasamang si Antioquis. Sa galit ng mga mamamayan, sila ay naghimagsik.
31. Nang malaman ito ng hari, hindi siya nag-aksaya ng panahon. Iniwan niya ang pamamahala ng kaharian kay Andronico, isa sa kanyang punong katiwala at nagmamadaling nagpunta sa nagkakagulong mga lunsod upang payapain ang mga tao.
32. Ang pagkakataong ito'y sinamantala naman ni Menelao. Ninakaw niya ang ilang mga kagamitang ginto sa templo at ipinagmagandang-loob kay Andronico. Bago niya ginawa ito'y may mga ibang kagamitan siyang naipagbili na sa Tiro at mga karatig-lunsod.
33. Nang malaman ito ni Onias, nagtago siya sa Dafne, malapit sa Antioquia at doo'y ibinunyag niya sa madla ang ginawang pagsasamantala ni Menelao.
34. Sa galit naman ni Menelao, lihim nitong kinausap si Andronico at inudyukang patayin si Onias. Pinuntahan nga ni Andronico si Onias at hinimok siyang lumabas na sa kanyang pinagtataguan. Sa simula'y naghinala si Onias, subalit sa pamamagitan ng mga sinumpaang pangako'y napasang-ayon ding lumabas si Onias; at siya'y walang awang pinatay ni Andronico.
35. Sa nangyaring ito'y nagalit at nagluksa hindi lamang ang mga Judio kundi pati ang ibang mga bansa dahil sa walang katarungang pagpatay kay Onias.
36. Nang dumating ang hari buhat sa Cilicia, pinuntahan agad siya ng mga Judiong taga-Antioquia at nagharap sila ng demanda tungkol sa nangyari. Sumama rin ang mga Griego na nagalit din sa nangyaring pagpatay kay Onias.
37. Gayon na lamang ang kalungkutan ni Antioco. Nahabag siya at tumangis lalo na nang magunita ang napakagandang pag-uugali ni Onias.