12. Ipinagawa niya agad ang palaruan at doon niya ito ipinatayo sa paanan ng tanggulang tinatawag na Acropolis. Pinagsuot niya ang mga piniling kabataang Judio ng sumbrerong Griego na gamit sa paglalaro.
13. Mula noon, ang pamumuhay Griego at mga kaugaliang dayuhan na ang kinahumalingan ng marami. Ito'y bunga ng labis na kasamaan ng mapagpanggap na paring si Jason.
14. Wala nang paring naghangad na maglingkod sa altar. Ang templo at ang paghahandog ay pinabayaan na rin at ang kinahumalingan ay ang pagsasanay para sa palakasan upang makasali sa mga paligsahang hindi ayon sa Kautusan ng Diyos.
15. Ang mga bagay na pinarangalan ng kanilang mga ninuno ay itinakwil nila, at ang pinahalagahan ay ang mga bagay na itinuturing na dakila ng mga Griego.
16. Subalit hindi ito nakabuti sa kanila, sapagkat naging kaaway nila ang mga taong nais nilang tularan sa kilos at pag-uugali. Binusabos sila ng mga ito.
17. Tunay ngang ang paglapastangan at paglabag sa Kautusan ng Diyos ay nagbubunga nang di mabuti. Patutunayan ito ng sumusunod na mga pangyayari.