2 Macabeo 14:6-14 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

6. “Ang mga Judiong tinatawag na Hasideano at pinamumunuan ni Judas Macabeo ay mapanghimagsik. Sila ang nagsusulsol ng pagrerebelde kaya laging magulo sa kaharian.

7. Iyan nga po ang dahilan kaya ako naparito at iniwan ko ang aking marangal na tungkulin bilang Pinakapunong Pari.

8. Nais kong ipadama sa inyo ang aking pagmamalasakit sa inyong kapakanan; pangalawa, alang-alang na rin ito sa aking mga kababayan. Alam po ninyo, ang aming bansa'y labis na naghihirap dahil sa mga taong aking binanggit sa inyo.

9. Pagkatapos ninyong siyasatin ang mga bagay na ito, ayon sa inyong kagandahang-loob na iniuukol sa lahat, gawin po ninyo mahal na hari, kung ano ang makakabuti sa aming bansa at sa mga mamamayang naghihirap.

10. Maniwala po kayo na hanggang buháy si Judas, hindi magkakaroon ng kapayapaan sa bansa.”

11. Matapos masabi ni Alcimo ang lahat ng ito, ang ibang mga kaibigan ng hari na galit din kay Judas ay nagsulsol sa hari upang lalong mag-ibayo ang galit nito.

12. Dahil dito, mabilis na kumilos ang hari. Pinili niya agad si Nicanor, ang pinuno ng pangkat na nakasakay sa mga elepante, at ginawa itong gobernador ng Judea. Pinapunta agad ito doon

13. para patayin si Judas, lansagin ang pangkat nito, at ibalik si Alcimo sa tungkulin bilang Pinakapunong Pari sa Templong pinakadakila sa buong daigdig.

14. Lahat ng mga Hentil na namamayan sa Judea, pawang mga takas dahil sa walang humpay na paglusob ni Judas, ay nakiisa at tumulong kay Nicanor. Naniniwala sila na ang kabiguan at paghihirap ng mga Judio ay ikabubuti nila.

2 Macabeo 14