2 Macabeo 14:20-26 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

20. Matagal nilang tinalakay ang mga kondisyon at nang magkasundo, ang bawat pinuno ay nagpaliwanag sa kanya-kanyang pangkat. Lahat ay sumang-ayon sa kasunduan.

21. Ang mga pinuno ay nagtakda ng isang araw para mag-usap na muli. Inihandang mabuti ang lugar na pagdarausan ng pulong. Bawat panig ay nagpadala ng karwahe at naglagay ng upuan doon.

22. Bilang pag-iingat, naglagay si Judas ng mga sandatahang tauhan niya sa mga lugar na kailangan para nakahanda sila kung sakaling gumawa ng kataksilan ang kaaway. Ngunit naging maayos at mapayapa naman ang pagpupulong ng dalawa.

23. Nang matapos ang pagpupulong, nanatili si Nicanor sa Jerusalem. Hindi siya sumira sa kasunduan. Umiwas siya sa mga karaniwang mamamayan

24. na laging dumudulog sa kanya. Ngunit naging napakalapit niya kay Judas, at naging mabuti silang magkaibigan.

25. Pinayuhan ni Nicanor si Judas na mag-asawa na ito para magkaanak. Nag-asawa nga si Judas at namuhay na gaya ng pangkaraniwang mamamayan.

26. Napansin ni Alcimo ang magandang samahan nina Judas at Nicanor at hindi niya ito ikinasiya. Kaya't kumuha siya ng sipi ng kasunduan at dinala kay Haring Demetrio. Siniraan niya si Nicanor at sinabing ito'y nakipagkasundo kay Judas para ibagsak ang pamahalaan at itinakda nang ito ang kanyang makakahalili.

2 Macabeo 14