2 Macabeo 14:14-20 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

14. Lahat ng mga Hentil na namamayan sa Judea, pawang mga takas dahil sa walang humpay na paglusob ni Judas, ay nakiisa at tumulong kay Nicanor. Naniniwala sila na ang kabiguan at paghihirap ng mga Judio ay ikabubuti nila.

15. Ang pagdating ni Nicanor at ang pagsama sa kanya ng maraming Hentil ay ikinabahala ng mga Judio. Kaya't naglagay silang muli ng abo sa kanilang ulo at nanalangin sa Diyos na siyang pumili sa kanila upang maging kanya at hindi nagpapabaya sa kanila sa panahon ng kagipitan.

16. Sa isang salita ni Judas, lahat ay lumabas agad para harapin ang mga kaaway na nasa nayon ng Desau.

17. Si Simon na kapatid ni Judas, at si Nicanor ay nagsagupa, ngunit naging hadlang ang biglang pagdating ng mga kaaway.

18. Gayunman, binagabag si Nicanor ng napabalitang tapang ni Judas at ng kanyang hukbo sa pakikipaglaban alang-alang sa kanilang bayan. Nag-atubili siyang makipagtuos sa pamamagitan ng lakas.

19. Ipinasya niyang isugo sina Posidonio, Teodoto at Matatias upang makipagkasundo.

20. Matagal nilang tinalakay ang mga kondisyon at nang magkasundo, ang bawat pinuno ay nagpaliwanag sa kanya-kanyang pangkat. Lahat ay sumang-ayon sa kasunduan.

2 Macabeo 14