2 Macabeo 12:6-12 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

6. Pagkatapos manalangin sa Diyos ang makatarungang hukom, nilusob nila ang mga pumaslang sa kanilang mga kababayan. Sumalakay sila ng gabi at tinupok ang daungan. Sinunog din nila ang mga barko at pinatay ang lahat ng nagtago roon.

7. Nang sandaling iyon, ang mga pintuang-pasukan ng lunsod ay nakapinid kaya't umatras muna sina Judas, ngunit balak nilang bumalik para lipulin ang lahat ng mamamayan ng Joppa.

8. Nabalitaan din ni Judas na ang mga Judio sa Jamnia ay binabalak ding patayin ng mga tagaroon.

9. Gaya ng ginawa sa Joppa, sinalakay ni Judas ang Jamnia sa gabi, tinupok ang daungan niyon at sinunog ang mga barko, anupa't ang sunog ay tanaw hanggang Jerusalem, na ang layo ay tatlumpung milya.

10. Lumakad sina Judas upang harapin naman si Timoteo. Halos isang milya pa lamang ang kanilang nalalakad mula roon nang salakayin sila ng isang pangkat ng mga Arabo na di kukulangin sa limanlibong kawal, bukod pa sa limandaang mangangabayo.

11. Naging mahigpitan ang kanilang paglalaban, ngunit sa tulong ng Diyos, nagtagumpay sina Judas. Ang nagaping mga Arabo ay nagsumamong makipagkaibigan sa mga Judio. Nangako silang magbibigay ng mga baka at tutulong sa mga Judio sa iba pang paraan.

12. Naisip ni Judas na malaki nga ang maitutulong ng mga kawal na Arabo, kaya't pumayag siyang makipagkaibigan sa mga ito. Pagkatapos ng kanilang kasunduan, nagbalik na ang mga Arabo sa kanilang mga tolda.

2 Macabeo 12