24. Alam kong ang mga Judio ay hindi nasisiyahan sa pamamalakad ng aking yumaong ama tungkol sa mga kaugaliang Griego na ipinipilit sa kanila. Nais nilang mamuhay ayon sa kanilang sariling kaugalian, at iyan ang kahilingan nila ngayon.
25. Nais kong mamuhay sila nang walang gumagambala, tulad ng iba kong nasasakupan, kaya't ibinabalik ko sa kanila ang Templo at pinahihintulutan kong mamuhay sila ayon sa kaugalian ng kanilang mga ninuno.
26. Magsugo ka ng mga kinatawan upang ipaalam sa kanila ito at patunayan ang hangad kong makipagkaibigan. Sa gayon, hindi na sila mababahala at magiging panatag na sila sa kanilang gawain.”
27. Ganito naman ang sulat ng hari sa mga mamamayang Judio: “Pagbati buhat kay Haring Antioco, para sa pamahalaang Judio at sa buong mamamayan.
28. Nawa, kayo'y nasa mabuting kalagayan tulad namin.
29. Ibinalita ni Menelao na nais na raw ninyong bumalik sa sariling tahanan at mamuhay ayon sa inyong kaugalian.
30. Kung gayon, ang lahat ng gustong umuwi bago dumating ang ikatatlumpung araw ng buwan ng Xantico ay aming pinahihintulutan.
31. Masusunod na ninyo ang inyong mga tuntunin sa pagkain at iba pang kautusan. Walang sinumang Judiong paparusahan dahil sa pagkakasalang nagawa niya dahil sa hindi niya alam na ito'y pagkakasala.
32. Si Menelao mismo ang isinugo ko sa inyo para ipaliwanag ang tungkol dito.