2 Macabeo 11:13-22 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

13. Palibhasa'y matalino, pinag-isipang mabuti ni Lisias ang kanyang pagkatalo at napag-isip-isip niyang mahirap talunin ang mga Judio sapagkat tinutulungan sila ng makapangyarihang Diyos. Kaya't nagpadala siya ng sulat sa mga Judio

14. para makipagkasundo. Nangako rin siyang gagawin ang lahat upang maging kaibigan ng mga Judio ang hari.

15. Sumang-ayon si Judas Macabeo sa lahat ng panukala ni Lisias sapagkat naisip niyang ito'y sa ikabubuti ng kanyang mga kababayan. Ipinagkaloob naman ng hari ang lahat ng kahilingan na ipinadala ni Judas kay Lisias.

16. Ganito ang nilalaman ng sulat ni Lisias sa mga Judio: “Bumabati si Lisias sa sambayanang Judio.

17. Ang inyong mga sugo na sina Juan at Absalom ay nagharap ng inyong nilagdaang liham at hiniling nilang sang-ayunan ko ang inyong mga kahilingan.

18. Lahat ng kahilingan para sa hari ay dinala ko sa kanya at ipinagkaloob niya ang mga bagay na nararapat.

19. Maging tapat lamang kayo sa pamahalaan, gagawin ko ang lahat alang-alang sa inyong kapakanan sa hinaharap.

20. Para lalong maging maliwanag, iniutos ko sa aking mga kinatawan na makipag-usap sa inyo at sa inyong mga sugo.

21. Hangad ko ang ikabubuti ninyo. Isinulat ngayon, ikadalawampu't apat na araw ng buwan ng Dioscorintio, taóng 148.”

22. Ganito naman ang sulat ng hari: “Pagbati sa kapatid kong Lisias, mula kay Haring Antioco.

2 Macabeo 11