2 Macabeo 10:4-9 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

4. Nang maihanda ang lahat, nagpatirapa sila at nanalangin sa Diyos at hiniling sa kanya na huwag na sana nilang danasin ulit ang kanilang sinapit. Hiniling din nila na kung magkakasala silang muli, sana'y maging banayad ang parusang tatanggapin nila at huwag na silang ibibigay sa kamay ng malulupit at walang habag na mga Hentil.

5. Nang ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan, araw rin nang lapastanganin ng mga Hentil ang Templo, idinaos nila ang muling pagtatalaga sa Templo.

6. Walong araw na masayang nagdiwang ang mga Judio tulad din ng pagdiriwang sa Pista ng mga Tolda. Naalala nila na di pa lubhang nagtatagal, idinaos nila ang Pista ng mga Tolda habang naggagala sila na parang maiilap na hayop sa kabundukan at naninirahan sa mga yungib.

7. Sa kanilang pagdiriwang ngayon ay may dala silang mga dahon ng palma at mga tungkod na napapalamutian ng magagandang dahon habang kumakanta ng mga awiting pasasalamat at papuri sa Diyos na nagdulot ng pagkakataon upang linising muli ang Templo.

8. Nagpalabas din sila ng kautusan na ang araw na ito ay ipagdiwang ng buong bansang Judio taun-taon.

9. Ganyan nagwakas ang buhay ni Haring Antioco na tinawag ding Epifanes.

2 Macabeo 10