2 Macabeo 10:14-24 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

14. Pagkamatay ni Tolomeo, naging gobernador ng lupaing Edom si Gorgias. Kumuha ito ng mga kawal na bayaran at kapag nagkakaroon ng pagkakataon ay nilulusob niya ang mga Judio.

15. Kasabay nito, ang mga Edomita naman mula sa kanilang matitibay na tanggulan ay patuloy na nanggigipit sa mga Judio. Tinanggap nila ang mga takas na rebelde mula sa Jerusalem at hindi tinigilan ang pakikipaglaban sa mga Judio.

16. Sa kabilang dako, si Judas Macabeo at ang pangkat niya ay nanalangin upang tulungan sila ng Diyos, pagkatapos ay agad nilang sinalakay ang tanggulan ng mga Edomita.

17. Hindi nila nilubayan ang pagsalakay hanggang sa napasakamay nila ang mga tanggulan ng kaaway. Lahat ng makitang kaaway ay pinatay; umabot sa bilang na dalawampung libo ang mga kaaway na napatay.

18. May 9,000 nagkubli sa dalawang napakatibay na tore na may sapat na pagkain at kagamitan sakali mang sila ay kubkubin.

19. Upang hindi makatakas ang mga ito, itinalaga ni Judas Macabeo sina Simon at Jose at pinatulungan pa sa pangkat ni Zaqueo para kubkubin ang mga tanggulan. Si Judas ay umalis at nagpunta sa lugar na lalo siyang kailangan.

20. Sa pangkat ni Simon ay may ilang mga tao na mukhang pera. Nilapitan sila ng mga kaaway mula sa tanggulan at inalok ng 140 librang pilak para pabayaan silang makatakas.

21. Ang ganitong pagtataksil ay nakarating kay Judas. Tinawag niya ang mga pinuno, at ang mga nagtaksil ay isinakdal niya sa kasalanang pagbibili ng mga kababayan sapagkat pinatakas nila ang mga kaaway para maipagpatuloy ang paglaban sa kanila.

22. Ipinapatay niya ang mga taksil, at sinalakay agad ang dalawang tanggulan.

23. Nagtagumpay na naman siya, at sa dalawang tanggulang iyon ay mahigit na dalawampung libong kaaway ang kanilang napatay.

24. Si Timoteo ay minsan nang natalo ng mga Judio. Kaya't upang makaganti, nagtipon siya ng isang malaking hukbo ng upahang kawal. Kabilang din ang isang malaking hukbong nakakabayo mula sa Asia. Nang handa na ang lahat, umalis sila para salakayin ang Judea.

2 Macabeo 10