3. Patay na noon si Samuel at ipinagluksa siya ng buong Israel. Siya'y inilibing nila sa Rama, sa kanyang sariling bayan. Noon ay pinalayas na ni Saul ang mga sumasangguni sa espiritu ng mga namatay na at ang mga manghuhula.
4. Ang mga Filisteo ay nagkampo sa Sunem at sina Saul naman ay sa Gilboa.
5. Nanginig sa takot si Saul nang makita niya ang hukbo ng mga Filisteo.
6. Nang sumangguni siya kay Yahweh, hindi sumagot si Yahweh kahit sa pamamagitan ng panaginip, ni sa pamamagitan man ng Urim o ng mga propeta.
7. Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tagapaglingkod na ihanap siya ng isang babaing kumakausap sa mga espiritu ng namatay na upang siya'y tanungin. Sinabi naman sa kanya ng kanyang mga lingkod na mayroong ganoong babae sa Endor.