1 Mga Hari 7:8-25 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

8. Sa likod naman ng bulwagang iyon ay nagpagawa siya ng kanyang tirahan, at ang yari nito'y tulad ng silid Hukuman. Ang kanyang reyna, ang anak ng Faraon, ay ipinagtayo rin niya ng tirahan, at ito'y katulad ng sa kanya.

9. Ang lahat ng gusali ay yari sa naglalakihang bato na tinabas ng lagari sa likod at harap.

10. May tatlo't kalahating metro ang sukat ng mga batong ginamit sa pundasyon, at mayroon ding apat at kalahating metro.

11. Sa paitaas naman, mamahaling batong tinabas at mga trosong sedar ang ginamit.

12. Gaya ng portiko at patyo ng Templo, ang patyo ng palasyo ay naliligid ng tatlong hanay na batong tinabas at isang hanay na trosong sedar.

13. Ipinatawag ni Solomon sa Tiro si Hiram,

14. anak ng isang balo mula sa lipi ni Neftali na napangasawa ng isang manggagawa ng mga kagamitang tanso na taga-Tiro. Si Hiram ay matalinong manggagawa, at mahusay gumawa ng anumang kagamitang tanso. Siya ang ipinatawag ni Haring Solomon upang gumawa ng lahat ng kagamitang yari sa tanso.

15. Gumawa siya ng dalawang haliging tanso. Walong metro ang taas ng mga ito at lima't kalahating metro ang sukat sa pabilog.

16. Ang bawat haligi ay nilagyan niya ng koronang tanso na dalawa't kalahating metro ang taas.

17. Gumawa pa siya ng dalawang palamuting animo'y kadena na pinalawit niya sa dakong ibaba ng kapitel, pitong likaw bawat kapitel.

18. Naghulma pa siya ng mga hugis granadang tanso na inilagay niya sa ibaba at itaas ng palamuting kadena, dalawang hanay bawat korona ng haligi.

19. Ang mga korona naman ng mga haligi ay hugis bulaklak ng liryo at dalawang metro ang taas.

20. Sa ibaba nito nakapaligid ang mga granadang tanso, 200 bawat kapitel.

21. Ang mga haliging ito ay itinayo sa pasilyong nasa harap ng Templo, sa magkabilang tabi ng pinto. Ang kanan ay tinawag na Jaquin at ang kaliwa'y Boaz.

22. At sa ibabaw ng mga haligi'y nilagyan ng mga kapitel na hugis-liryo. Dito natapos ang paggawa ng mga haligi.

23. Gumawa si Hiram ng isang malaking ipunan ng tubig apat at kalahating metro ang luwang ng labi nito, dalawa't kalahating metro ang lalim at labing-tatlo't kalahating metro naman ang sukat sa pabilog.

24. Sa gilid nito'y nakapaikot ang palamuting hugis upo, sampu sa bawat kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na kasamang hinulma ng ipunan.

25. Ang ipunan ay ipinatong sa gulugod ng labindalawang torong tanso, na magkakatalikuran: tatlo ang nakaharap sa silangan, tatlo sa kanluran, tatlo sa hilaga at tatlo sa timog.

1 Mga Hari 7