1 Macabeo 9:17-27 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

17. Naging mainitan ang kanilang labanan at marami ang nasawi sa magkabilang panig.

18. Pati si Judas ay nasawi, kaya't ang nalabi sa kanyang mga tauhan ay tumakas na.

19. Ang bangkay ni Judas ay kinuha ng kanyang mga kapatid na sina Jonatan at Simon. Inilibing nila iyon sa Modein, sa libingan ng kanilang mga ninuno.

20. Sina Jonatan at Simon, kasama ang buong Israel, ay lubos na tumangis sa pagpanaw ni Judas. Maraming araw silang nagdalamhati, at sinabi nila,

21. “Pumanaw ang dakilang lalaki, ang tagapagtanggol ng Israel!”

22. Ang iba pang ginawa ni Judas tulad ng pakikidigma, mga gawaing di pangkaraniwan, at ang kanyang kadakilaan ay hindi na maitala sa dami.

23. Nang mamatay si Judas, lumitaw na naman ang mga taksil sa utos ng Diyos. Sa lahat ng dako ng Israel, naglipanang muli ang masasamang-loob.

24. Nagkaroon din ng matinding taggutom sa panahong iyon, kaya't ang mamamayan ay pumanig sa mga taksil.

25. Ang kinuha ni Baquides para mamahala sa bansa ay mga taong hindi kumikilala sa Diyos.

26. Hinanap ng mga ito ang lahat ng mga kaibigan ni Judas, dinakip at dinala kay Baquides upang paghigantihan at hiyain.

27. Hindi pa nararanasan ng bansang Israel ang ganitong kahirapan mula noong panahong wala nang lumitaw na propeta sa Israel.

1 Macabeo 9