8. Bago siya nagbalik sa Judea, sinalakay niya at nilupig ang Jazer, pati ang mga karatig-bayan nito.
9. Bilang ganti, ang lahat ng mga Hentil sa Gilead ay nagtipon at nagkaisang salakayin at lipulin ang mga Israelita na nakatira sa kanilang lupain. Ngunit ang mga ito'y tumakas at nagtago sa mga kuta ng Datema.
10. Mula doo'y sumulat sila kay Judas at ibinalita ang balak ng mga Hentil na sila'y lipulin.
11. Sabi pa nila,“Sa pangunguna ni Timoteo, sila'y sasalakay sa kutang pinagtataguan namin. Kaya saklolohan agad ninyo kami,
12. sapagkat marami na sa amin ang nasawi.
13. Lahat ng mga kasamahan namin sa Tob ay napatay. May 1,000 lalaki ang pinaslang doon. Ang kanilang mga asawa't anak, at mga ari-arian ay tinangay lahat ng mga kaaway.”
14. Samantalang binabasa ang sulat, may dumating na mga sugo galing sa Galilea na gayon din ang ibinalita; punit-punit ang kanilang mga kasuotan.
15. Sinabi nilang ang mga taga-Tolemaida, Tiro, Sidon at Galilea ay nagsama-sama para puksain sila.
16. Dahil dito, tinawag ni Judas ang lahat ng mamamayan upang pag-usapan ang dapat nilang gawin.
17. Sinabi niya kay Simon, “Pumili ka ng mga tauhan mo at iligtas ang mga nasa Galilea. Kami ni Jonatan ang pupunta sa Gilead.”
18. Ang pangangalaga sa Judea ay ipinagkatiwala sa nalalabi pang mga tauhan sa pangunguna nina Azarias at Joseng anak ni Zacarias.
19. Bago umalis si Judas, nag-iwan siya ng ganitong utos: “Huwag kayong lulusob sa mga Hentil hanggang hindi kami nakakabalik. Basta't pangangalagaan ninyo ang mga mamamayan.”
20. Tatlong libong tauhan ang kasama ni Simon sa pagsalakay sa Galilea, at 8,000 naman ang kay Judas na pupunta sa Gilead.
21. Sinalakay nga ni Simon ang mga Hentil sa Galilea at pagkatapos ng maraming pagsasagupa ay nagapi niya ang mga ito.
22. Tinugis niya ang mga ito hanggang sa pagpasok ng Tolemaida. Tatlong libo ang kanilang napatay sa mga tumakas, at marami rin silang nasamsam na ari-arian.
23. Ang mga Judio sa Galilea at Arbata, kasama ang buong sambahayan at mga ari-arian ay ibinalik niya sa Judea, at gayon na lamang ang tuwa ng lahat.
24. Si Judas Macabeo at ang kanyang kapatid na si Jonatan ay tumawid naman sa Jordan at tatlong araw na naglakbay sa ilang.
25. May nasalubong silang mga mapayapang Nabateo, at ibinalita nila ang nangyari sa kanilang mga kababayan sa Gilead.
26. Sabi nila, “Ang marami sa mga kasamahan ninyo'y nakulong sa Bozra, Bosor, gayon din sa Alema, Casfo, Maked at Carnaim.” Malalaki ang mga lunsod na ito at napapaderan.