41. Iniutos ni Judas sa kanyang mga tauhan na salakayin ang muog, habang nililinis niya ang Templo.
42. Pumili siya ng mga paring walang kapintasan at masunurin sa kautusan
43. upang siyang maglinis ng Templo. Hinakot nila ang mga batong karumal-dumal at dinala sa isang tambakan.
44. Pinag-usapan nila kung ano ang mabuting gawin sa dambanang nilapastangan ng kaaway.
45. Pinagkaisahan nilang ito'y wasakin upang hindi maging alaala ng kahihiyang tinamo nila sa kamay ng mga Hentil.
46. Tinibag nila ang dambana at ibinunton ang mga bato sa isang panig ng burol, at naghintay na lamang sila ng propetang magpapasya ng dapat gawin sa mga batong iyon.
47. Samantala, kumuha sila ng mga batong hindi pa natatapyas, at ayon sa iniutos ng Kautusan, ito ang ginamit sa pagtatayo ng bagong altar.
48. Inayos nila ang santwaryo at ang loob ng Templo at nilinis ang mga bulwagan.
49. Gumawa sila ng mga bagong sisidlang gagamitin sa Templo, naglagay ng ilawan at altar na sunugan ng insenso at ng hapag na gagamitin sa loob.
50. Matapos mailagay sa kanya-kanyang lugar ang lahat, nagsunog sila ng insenso sa altar. Sinindihan nila ang mga ilawan at lumiwanag ang Templo.
51. Inihanay nila sa hapag ang tinapay, at ikinabit ang mga kurtina at natapos na lahat ang kanilang gawain.
52. Nang ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan ng taóng 148,
53. maagang-maaga silang bumangon at naghandog sa bagong altar ng mga haing susunugin, ayon sa itinakda ng kautusan ng Diyos.
54. Sa araw na iyon ay itinalaga nilang muli ang Templo sa gitna ng awitang kasaliw ang mga kudyapi, plauta at pompiyang. Ganito ring araw nang lapastanganin ng mga Hentil ang Templo.
55. Lahat ay nagpatirapa, sumamba, at nagpuri sa Diyos na lumingap at pumatnubay sa kanila.