1 Macabeo 4:26-42 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

26. Ang nangyaring ito'y umabot agad sa kaalaman ni Lisias sa pamamagitan ng mga dayuhang tumakas.

27. Labis itong ikinabahala ni Lisias, sapagkat hindi nangyari sa Israel ang kanyang inaasahan, ayon sa iniutos ng hari.

28. Upang malunasan ang kabiguang ito, nang sumunod na taon ay naghanda siya ng 60,000 sundalo at 5,000 hukbong nakakabayo.

29. Isinama niya sa Edom ang kanyang hukbo at humimpil sila sa Beth-sur. Naghanda naman si Judas ng 10,000 kawal para harapin ang mga kaaway.

30. Palibhasa'y higit na marami ang kaaway, siya'y dumalangin sa Diyos. Sinabi niya, “Kapuri-puri po kayo, Tagapagligtas ng Israel, na tumulong kay David upang biguin ang pagsalakay ng higante. Niloob po ninyong ang kampo ng mga Filisteo ay isuko kay Jonatan, anak ni Saul, at sa tagadala nito ng sandata.

31. Sa gayon ding paraan ibigay ninyo sa kamay ng inyong mga pinili ang hukbo ng mga kaaway. Hiyain po ninyo sila bagaman malaki ang kanilang hukbo at maraming mangangabayo.

32. Paghariin po ninyo sa kanila ang takot; panghinain ninyo sila. Hayaan ninyong manginig sila sa darating nilang kapahamakan.

33. Kami po ay nagmamahal at sumasamba sa inyo kaya itulot ninyong lipulin namin ang aming mga kaaway para makaawit kami ng papuri sa inyo.”

34. Matapos manalangi'y sumalakay sila, at 5,000 kawal ni Lisias ang nasawi sa labanang iyon.

35. Nang makita ni Lisias na natatalo sila dahil sa ibayong katapangan ni Judas at ng mga kawal nitong walang takot mamatay, umatras sila sa Antioquia. Doo'y nangalap siya ng mga upahang kawal upang bumuo ng isang lalong malakas na hukbo; balak niyang salakaying muli ang Juda.

36. Sa gitna ng ganitong tagumpay, sinabi ni Judas at ng mga kapatid niya, “Ngayong nagapi na ang mga kaaway, kailangang linisin natin ang Templo at muling italaga ito.”

37. Kaya't ang buong hukbo ay umahon sa Bundok ng Zion.

38. Dinatnan nilang wala nang laman ang Templo, wala sa ayos ang dambana at sunog ang mga pintuan. Masukal na ang patyo na parang kagubatan, at wasak pati ang mga tirahan ng mga pari.

39. Sa laki ng pagdaramdam, pinunit nila ang kanilang kasuotan, binudburan ng abo ang kanilang ulo,

40. at nagpatirapa sa lupa. Nang hipan ang trumpeta bilang hudyat, sila'y nanalangin nang malakas sa Diyos ng kalangitan.

41. Iniutos ni Judas sa kanyang mga tauhan na salakayin ang muog, habang nililinis niya ang Templo.

42. Pumili siya ng mga paring walang kapintasan at masunurin sa kautusan

1 Macabeo 4