1 Macabeo 16:14-20 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

14. Noo'y dumadalaw sa ilang lunsod si Simon, kasama ang mga anak niyang sina Matatias at Judas upang tingnan ang pangangailangan doon. Dumating sila sa Jerico noong ikalabing isang buwan ng taóng 177.

15. Pinatuloy sila ni Tolomeo sa maliit na muog ng Dok na ipinagawa niya. May balak pa rin siyang patayin si Simon at ang dalawang anak nito. Nagpahanda si Tolomeo ng isang malaking salu-salo para sa mag-aama, subalit may mga tauhan siyang nagkukubli sa muog.

16. Nang malasing si Simon at ang mga anak nito, lumabas si Tolomeo at ang kanyang mga tauhan, hawak ang kanilang tabak. Pumasok sila sa bulwagan ng handaan at pinatay si Simon at ang dalawang anak nito, pati ilang alipin.

17. Sa ganitong nakahihindik na kataksilan, kasamaan ang isinukli ni Tolomeo sa kabutihan.

18. Pagkatapos, isinulat ni Tolomeo ang kanyang ginawa at ipinadala sa hari. Sa sulat, hiniling niya na padalhan siya ng mga kawal para tulungan siya. Hiniling din niya na ibigay sa kanya ang bansa at mga lunsod.

19. Sinulatan din niya ang mga pinuno ng hukbo at inanyayahang sumama sa kanya at pinangakuang bibigyan sila ng pilak, ginto, at iba pang handog. Pagkatapos, pinapunta niya sa Gezer ang ilan niyang tauhan upang patayin si Juan.

20. Ang iba nama'y inutusan niyang sakupin ang Jerusalem at ang kaburulan ng Templo.

1 Macabeo 16