1 Macabeo 16:10-16 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

10. Ang iba pang tumatakas na mga kawal ay nagpunta sa mga tore sa bukirin ng Asdod. Sinunog ni Juan ang lunsod at nang araw na iyon, dalawang libong kawal ng kaaway ang nasawi. Si Juan ay ligtas na nagbalik sa Judea.

11. Hinirang ni Simon na Pinakapunong Pari ang anak ni Abubo na si Tolomeo upang manguna sa hukbong nasa kapatagan ng Jerico. Napakayaman na ni Tolomeo

12. sapagkat siya'y manugang ni Simon, ang pinakapunong pari.

13. Ngunit lumabis ang kanyang paghahangad at nais pa niyang makuha ang bansa. Kaya umisip siya ng pakana para mapatay si Simon at ang mga anak nito.

14. Noo'y dumadalaw sa ilang lunsod si Simon, kasama ang mga anak niyang sina Matatias at Judas upang tingnan ang pangangailangan doon. Dumating sila sa Jerico noong ikalabing isang buwan ng taóng 177.

15. Pinatuloy sila ni Tolomeo sa maliit na muog ng Dok na ipinagawa niya. May balak pa rin siyang patayin si Simon at ang dalawang anak nito. Nagpahanda si Tolomeo ng isang malaking salu-salo para sa mag-aama, subalit may mga tauhan siyang nagkukubli sa muog.

16. Nang malasing si Simon at ang mga anak nito, lumabas si Tolomeo at ang kanyang mga tauhan, hawak ang kanilang tabak. Pumasok sila sa bulwagan ng handaan at pinatay si Simon at ang dalawang anak nito, pati ilang alipin.

1 Macabeo 16