1 Macabeo 11:63-70 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

63. Nalaman ni Jonatan na ang mga pinuno ni Demetrio kasama ang isang malaking hukbo ay nagtungo sa Kades sa Galilea upang hadlangan siya sa kanyang balak.

64. Kaya iniwan niya sa Judea ang kanyang kapatid na si Simon at humandang makipagdigma sa kanila.

65. Si Simon naman ay lumusob sa Beth-sur at matagal na nakipaglaban doon.

66. Humingi ng kasunduang pangkapayapaan ang mga tao at pumayag si Simon. Sinakop niya ang bayan, pinalayas ang mga tao at naglagay roon ng isang malaking hukbo.

67. Si Jonatan at ang kanyang hukbo naman ay humimpil sa tabi ng Lawa ng Galilea. Kinaumagahan, maaga pa'y nagtuloy na sila sa kapatagan ng Hazor,

68. na kinaroroonan ng hukbo ng dayuhan na ngayo'y pasalubong sa kanila. Lingid kay Jonatan, isang pangkat ng kaaway ang naiwan sa kaburulan upang tambangan sila.

69. Kaya't nang sumalakay ang mga ito,

70. ang buong hukbo ni Jonatan ay umatras at tumakas. Walang natira kundi dalawang pinuno, si Matatias na anak ni Absalom, at si Judas na anak ni Calfi.

1 Macabeo 11