1 Macabeo 11:13-24 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

13. Pagkatapos, pumasok si Tolomeo sa Antioquia at isinuot ang korona ng hari ng Asia. Kaya suot niyang pareho ang korona ng Egipto at ang korona ng Asia.

14. Noon naman ay nasa Cilicia si Haring Alejandro sapagkat naghihimagsik ang mga tao roon.

15. Nang mabalitaan niya ang ginawa ni Tolomeo, kumilos siya para lusubin ito. Ngunit napakalaking hukbo ang kasama ni Tolomeo kaya't natalo siya.

16. Habang nasa tuktok ng kapangyarihan si Tolomeo, si Alejandro nama'y tumakas patungong Arabia at doon nagtago.

17. Ngunit pinugutan siya ng ulo ng isang Arabo na nagngangalang Zabdiel, at ipinadala kay Tolomeo ang kanyang ulo.

18. Pagkalipas ng dalawang araw, namatay rin si Tolomeo, at ang mga kawal na naiwan niya sa mga kuta ay pinagpapatay ng mga mamamayan doon.

19. Kaya noong taóng 167, naging hari si Demetrio II.

20. Nang panahong iyon naman, tinipon ni Jonatan ang mga kalalakihan ng Judea upang lusubin ang kuta ng Jerusalem. Gumawa sila ng maraming plataporma para sa pagsalakay at pagsakop dito.

21. Ngunit may ilang taksil na Judio na namumuhi sa sariling bansa ang nagtungo kay Haring Demetrio II at ibinalita ang ginagawang paghahanda ni Jonatan para kubkubin ang kuta ng Jerusalem.

22. Pagkarinig nito, galit na galit si Demetrio at agad inilipat sa Tolemaida ang kanyang kwartel. Nagpadala siya ng sulat kay Jonatan na nag-uutos na alisin nito ang mga kagamitan sa pagsalakay at makipagtagpo agad sa kanya sa Tolemaida.

23. Pagkabasa sa utos, lalo pang ipinagpatuloy ni Jonatan ang paghahanda sa pagkubkob, saka pumili ng mga pinuno at paring Judio upang sumama sa kanya. Kahit nanganganib,

24. siya'y nagpunta sa hari na nasa Tolemaida. Nagdala siya ng mga balabal, pilak at ginto, at iba pang mga handog. Siya'y nagpakitang-gilas sa hari.

1 Macabeo 11