9. Ibinigay nga kay Jonatan ang lahat ng mga bihag at pinauwi niya ang mga ito sa kanilang mga magulang.
10. Mula noon, sa Jerusalem na naninirahan si Jonatan at muli niyang inayos ang lunsod.
11. Nagpakuha siya ng mga batong parisukat at ginawang pader sa palibot ng Bundok ng Zion.
12. Lahat ng mga dayuhang naninirahan sa kutang ipinagawa ni Baquides ay nagsitakas,
13. at nagsiuwi sa kani-kanilang bansa.
14. Tanging sa Beth-sur lamang may nakatira pang kalaban ng Kautusan, sapagkat doon sila lumikas.
15. Ang mga pangako ni Demetrio kay Jonatan ay umabot sa kaalaman ni Alejandro. Nabalitaan din nito ang kagitingan ni Jonatan at ng kanyang mga kapatid, lalo na sa pakikidigma at ang maraming pagsubok na tiniis na nito.
16. Nasabi ni Alejandro, “Wala na akong makikitang tulad niya. Kailangang maging kaibigan ko siya at kakampi.”
17. Kaya't sumulat din siya kay Jonatan na ganito ang isinasaad:
18. “Mula kay Haring Alejandro ay ipinaaabot kay kapatid na Jonatan ang maalab na pagbati!
19. Napakaganda ng balita namin tungkol sa iyong kagitingan, kaya't karapat-dapat kang maging kaibigan ng hari.
20. Kaya mula ngayo'y ikaw na ang Pinakapunong Pari ng iyong bansa. Ang itatawag sa iyo'y ‘Kaibigan ng Hari.’ Kapanalig ka namin sa aming adhikain at tutulungan ka namin.”Bukod sa sulat, pinadalhan din niya si Jonatan ng isang maharlikang damit at koronang ginto.
21. Isinuot ni Jonatan ang kasuotan ng Pinakapunong Pari noong ikapitong buwan ng taóng 160 sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. Nagtipon siya ng isang malaking hukbo at ng maraming sandata.
22. Nang ito'y mabalitaan ni Demetrio, nabagabag siya at nag-isip,
23. “Paano nangyaring tayo'y naunahan ni Alejandro? Napalakas niya ang kanyang katayuan sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa mga Judio.
24. Ang mabuti'y sulatan ko rin ang mga Judio at makipagkaibigan sa kanila; aalukin ko sila ng matataas na tungkulin at mga handog para tulungan nila ako.”
25. Ganito ang ipinadala niyang sulat: “Bumabati si Haring Demetrio sa bansang Judio.
26. Ikinagagalak naming malaman na tinutupad ninyo ang inyong bahagi sa ating kasunduan, at hindi kayo pumanig sa aming mga kaaway kundi nananatiling tapat sa amin.
27. Kung patuloy kayong magiging tapat sa amin, kayo'y aming gagantimpalaan.
28. Hindi na namin kayo pagbabayarin ng maraming buwis at bibigyan pa ng ibang karapatan.
29. Sa pamamagitan ng liham na ito'y ipinagbibigay-alam ko sa inyo na mula ngayo'y hindi na kayo kailangang magbayad ng karaniwang buwis, buwis sa asin, at iba pang tanging buwis.