1 Macabeo 10:35-47 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

35. Walang sinumang maaaring humingi sa inyo ng kabayaran o manligalig sa inyo sa alinman sa mga naturang araw.

36. “Maaaring ipatala sa hukbo ng hari ang mga Judio hanggang sa bilang na 30,000 katao, at babayaran sila gaya ng ibang hukbo ng hari.

37. Ang ilan sa kanila'y maaaring itakdang magbantay sa malalaking kuta ng palasyo, at ang iba nama'y bibigyan ng mahahalagang katungkulan sa pamahalaan. Mga Judio rin ang kanilang magiging pinuno at tagapanguna, at papayagan silang sundin ang kanilang sariling kautusan at kaugalian, tulad ng ipinahintulot ng hari sa mga taga-Judea.

38. “Ang tatlong purok na idinagdag sa Judea buhat sa lupaing sakop ng Samaria ay isasama na nang lubusan sa Judea at ipapailalim lamang sa kapangyarihan ng Pinakapunong Pari.

39. Ibinibigay ko para panustos sa Templo sa Jerusalem ang mga buwis na makukuha sa lunsod ng Tolemaida at sa mga lupaing sakop nito.

40. Nangangako rin ako na magbibigay ng taunang handog na 15,000 salaping pilak na manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo.

41. Ang kabuuang tulong ng pamahalaan na hindi namin naibigay nitong nakalipas na ilang taon, ay ibibigay; magpapatuloy ang pagbabayad na ito mula ngayon para sa gawain ng templo.

42. Bukod dito, hindi na namin hihingin ang limanlibong salaping pilak mula sa kinikita ng templo. Ang salaping ito'y para sa mga pari na naglilingkod sa templo.

43. Ang sinumang may pagkakautang sa hari o may iba pang utang at nagtago sa Templo sa Jerusalem o sa alinmang lupaing sakop nito ay hindi darakpin; hindi rin sasamsamin ang kanyang ari-arian kahit saang panig ng kaharian ito naroroon.

44. Ang gugugulin para sa muling pagpapatayo at sa pagpapaayos ng Templo ay manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo.

45. Gayundin naman, ang gugugulin sa pagpapaayos ng mga pader ng Jerusalem at ng mga kuta sa paligid nito, pati ang mga pader ng itinakdang mga lunsod sa Judea, ay manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo.”

46. Nang marinig ni Jonatan at ng bayan ang mga alok ni Haring Demetrio, ayaw nilang maniwala o tanggapin man ang mga iyon, sapagkat naalala nila ang malupit na pakikitungo nito sa kanila at ang mga kahirapang idinulot sa bansang Judio.

47. Minabuti nilang ang kilalanin ay si Alejandro at sa kanya ibigay ang kanilang katapatan, sapagkat ito ang unang nakipag-unawaan sa kanila; at nanatili silang magkapanalig habang ito'y nabubuhay.

1 Macabeo 10