1 Macabeo 1:50-62 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

50. Binantaan pa niyang ang sinumang lumabag sa utos ng hari ay papatayin.

51. Ganon nga ang sulat na ipinadala ng hari sa lahat ng kanyang nasasakupan. Naglagay siya ng mga espiya, at iniutos na hali-haliling maghandog ang lahat ng lunsod ng Judea.

52. Marami nga ang lumimot sa kautusan at nakiisa sa paggawa ng kasamaan sa lupain.

53. Ang mga tapat na Israelita ay nagtago sa lahat ng pook na maaari nilang mapuntahan.

54. Nang taóng 145, ikalabing limang araw ng ikasiyam na buwan, si Haring Antioco ay nagpagawa ng rebultong tinatawag na “Kalapastanganang Walang Kapantay” sa altar na pinagsusunugan ng mga handog. Nagpatayo rin siya ng mga altar ng pagano sa lahat ng lunsod sa palibot ng Judea.

55. Kahit sa mga harap ng bahay at mga lansangan, ang mga tao ay pinagsusunog ng insenso.

56. Lahat ng makitang mga balumbon ng Kautusan ng Diyos ay sinira at sinunog,

57. at ang sinumang mahuling nagtataglay ng balumbon ng tipan o sumusunod sa Kautusan ay ipinapapatay.

58. Ganito nila pinahihirapan ang mga Israelita na nahuhuli sa mga lunsod sa bawat buwan.

59. Tuwing sasapit ang ikadalawampu't limang araw ng bawat buwan, naghahandog sila sa altar na itinayo sa dating pinaghahandugan ng mga Israelita.

60. Ang mga ina ng mga batang tinuli ay pinapatay ayon sa utos ng hari.

61. Ang mga batang tinuli ay tinatalian at isinasabit sa leeg ng kanilang mga ina. Pati mga kamag-anak ng mga batang ito at ang gumanap ng pagtutuli ay pinapatay rin.

62. Sa kabila ng lahat ng ito, marami pa ring mga Israelita ang nanatiling tapat at hindi kumain ng anumang pagkaing marumi.

1 Macabeo 1