Roma 11:14-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Baka sakaling sa pamamagitan nito ay magawa kong inggitin ang mga kapwa ko Judio para sumampalataya ang ilan sa kanila at maligtas.

15. Kung ang pagtakwil ng Dios sa mga Judio ang naging daan para makalapit sa kanya ang ibang mga tao sa mundo, hindi baʼt lalo pang malaking kabutihan ang maidudulot kung ang mga Judio ay muling tanggapin ng Dios? Sila ay para na ring muling binuhay.

16. Maihahambing natin ang mga Judio sa isang tinapay. Kung inihandog sa Dios ang bahagi ng tinapay, ganoon na rin ang buong tinapay. At kung inihandog sa Dios ang ugat ng isang puno, ganoon na rin ang mga sanga nito.

17. Ang mga Judio ay tulad sa isang puno ng olibo na pinutol ang ilang mga sanga. At kayong mga hindi Judio ay tulad sa mga sanga ng ligaw na olibo na ikinabit bilang kapalit sa pinutol na mga sanga. Kaya nakabahagi kayo sa mga pagpapala ng Dios para sa mga Judio.

18. Pero huwag kayong magmalaki na mas mabuti kayo sa mga sangang pinutol. Alalahanin ninyong mga sanga lang kayo; hindi kayo ang bumubuhay sa ugat kundi ang ugat ang bumubuhay sa inyo.

19. Maaaring sabihin ninyo, “Pinutol sila para maikabit kami.”

20. Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya kay Cristo, at kayo naman ay ikinabit dahil sumampalataya kayo. Kaya huwag kayong magmataas, sa halip ay magkaroon kayo ng takot.

21. Sapagkat kung nagawang putulin ng Dios ang mga likas na sanga, magagawa rin niya kayong putulin.

22. Ditoʼy makikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Dios. Mabagsik siya sa mga nagkakasala, pero mabuti siya sa inyo kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Pero kung hindi, kayo man ay puputulin din.

23. At kung hindi na magmamatigas ang mga Judio kundi sasampalataya, ikakabit din silang muli sa puno, dahil kaya itong gawin ng Dios.

Roma 11