29. Pinaalalahanan nʼyo po sila na tumupad muli sa inyong Kautusan, pero naging mapagmataas sila at hindi nila tinupad ang inyong mga utos. Nagkasala sila laban sa inyong mga utos na nagbibigay ng totoong buhay sa tumutupad nito. Sa katigasan ng kanilang mga ulo tumalikod sila sa inyo, at ayaw nilang makinig sa inyo.
30. Sa napakaraming taon, tiniis ninyo sila at pinaalalahanan ng Espiritu ninyo sa pamamagitan ng mga propeta. Pero hindi nila ito pinansin, kaya ipinaubaya nʼyo sila sa mga mamamayang nasa paligid nila.
31. Ngunit dahil sa laki ng inyong habag, hindi nʼyo sila pinabayaan o lubos na ipinahamak, dahil mahabagin at maalalahanin kayo, O Dios.
32. “Kayo na aming Dios ay makapangyarihan at tunay na kamangha-mangha. Tinutupad po ninyo ang inyong kasunduan at ipinapakita ang inyong pag-ibig. Ngayon, huwag po ninyong balewalain ang aming mga pagtitiis. Nagtiis kaming lahat na inyong mamamayan, pati ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, at mga ninuno, mula pa ng panahong pinahirapan kami ng mga hari ng Asiria hanggang ngayon.
33. Matuwid ang ginawa nʼyong paghatol sa amin. Matapat kayo sa amin, pero kami ay mga makasalanan.
34. Ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, at mga ninuno ay hindi tumupad sa inyong Kautusan. Hindi pinansin ang inyong mga utos at mga babala.
35. Kahit mayroon silang sariling kaharian, at nakakaranas ng labis ninyong kabutihan, at kahit binigyan nʼyo sila ng malawak at matabang lupain, hindi pa rin sila naglingkod sa inyo at hindi tumalikod sa masama nilang pag-uugali.