10. Gumawa kayo ng mga himala at kamangha-manghang bagay laban sa Faraon, at sa lahat ng mga opisyal niya at tauhan, dahil nalalaman nʼyo kung paano nila inapi ang aming mga ninuno. At ang inyong pangalan ay tanyag hanggang ngayon.
11. Sa harap ng inyong mga mamamayan ay hinati ninyo ang dagat at sa gitna nitoʼy dumaan sila sa tuyong lupa. Ngunit nilunod nʼyo ang mga kalaban nilang humahabol sa kanila. Para silang bato na lumubog sa nagngangalit na dagat.
12. Sa araw, ginagabayan nʼyo ang inyong mga mamamayan sa pamamagitan ng ulap na parang haligi, at sa gabiʼy sa pamamagitan ng apoy na parang haligi, para bigyan sila ng liwanag sa kanilang nilalakaran.
13. “Bumaba kayo sa Bundok ng Sinai mula sa langit at nakipag-usap kayo sa kanila. Binigyan nʼyo sila ng mga tamang katuruan, mabubuting utos at ng mga tuntunin.
14. Itinuro nʼyo sa kanila ang tungkol sa dapat nilang gawin sa Araw ng Pamamahinga. At inutusan nʼyo sila sa pamamagitan ng inyong lingkod na si Moises, na tuparin ang mga utos nʼyo, mga tuntunin, at mga katuruan.
15. Nang magutom sila, binigyan nʼyo sila ng pagkain mula sa langit, at nang mauhaw ay pinainom nʼyo ng tubig mula sa bato. Sinabihan nʼyo silang pasukin at angkinin ang lupaing pangako na ibinigay ninyo sa kanila.
16. Ngunit sila na aming mga ninuno ay naging mapagmataas, matigas ang ulo, at masuwayin sa inyong mga utos.
17. Ayaw nilang makinig sa mga sinasabi nʼyo, at kinalimutan lang ang mga himalang ginawa ninyo sa kanila. Naging matigas ang kanilang ulo, at sumalungat sila sa inyong pamamaraan sa pamamagitan ng pagpili ng pinuno na magdadala sa kanila pabalik sa pagkaalipin sa Egipto. Ngunit kayo ay mapagpatawad na Dios, mahabagin, maalalahanin, hindi madaling magalit, at mapagmahal. Kaya hindi nʼyo po sila pinabayaan,
18. kahit gumawa sila ng imaheng baka, at nagsabi, ‘Ito ang dios nating nagpalaya at nagpalabas sa atin sa Egipto.’ Lubos ang paglapastangan nila sa inyo!
19. Ngunit dahil sa dakilang habag ninyo sa kanila, hindi nʼyo po sila pinabayaan sa ilang. Hindi nʼyo kinuha ang makapal na ulap na gumagabay sa kanila kapag araw, at ang naglalagablab na apoy na nagbibigay liwanag sa nilalakaran nila kapag gabi.
20. Ibinigay nʼyo po ang mabuting Espiritu ninyo sa pagtuturo sa kanila. Patuloy nʼyo silang pinakain ng ‘manna,’ at binigyan ng tubig kapag nauuhaw sila.
21. Ibinibigay nʼyo po sa kanila ang mga pangangailangan nila sa loob ng 40 taon sa ilang, kaya hindi sila nagkulang ng anuman. Hindi naluma ang mga damit nila at hindi rin namaga ang mga paa nila sa paglalakad.
22. “Pinagtagumpay nʼyo sila laban sa mga kaharian, mga bansa, at ang mga lupain sa paligid nila. Sinakop nila ang lupain ng Heshbon na pinamamahalaan ni Haring Sihon, at ang lupain ng Bashan na pinamamahalaan ni Haring Og.
23. Pinarami nʼyo ang kanilang mga lahi, katulad ng mga bituin sa langit. Dinala nʼyo sila sa lupaing ipinangako nʼyo sa kanilang mga ninuno para pasukin at angkinin.
24. Talagang pinasok nila ito at inangkin. Pinagtagumpay nʼyo po sila laban sa mga Cananeo na nakatira sa lupaing iyon. Ipinaubaya nʼyo sa kanila ang mga Cananeo pati ang mga hari nila para magawa ng inyong mga mamamayan ang gusto nilang gawin sa mga ito.
25. Sinakop po ng mga mamamayan ninyo ang mga napapaderang lungsod at ang matatabang lupain. Inangkin din po nila ang mga bahay na punong-puno ng magagandang bagay, mga balon, mga ubasan, mga taniman ng olibo at napakarami pang ibang punongkahoy na namumunga. Kumain sila hanggang sa mabusog sila at naging malusog ang kanilang katawan. Nagalak sila sa napakabuting ginawa ninyo sa kanila.
26. “Pero sa kabila ng lahat, sumuway at lumabag po sila sa inyo. Tinalikuran nila ang inyong Kautusan, pinatay nila ang inyong mga propeta na nanghikayat sa kanilang magbalik sa inyo. Labis ang paglapastangan nila sa inyo!
27. Kaya ipinaubaya nʼyo po sila sa kanilang mga kalaban na nagpahirap sa kanila. Pero nang nahihirapan na sila, humingi sila ng tulong sa inyo at pinakinggan nʼyo pa rin sila riyan sa langit. At sa laki ng inyong habag, binigyan nʼyo sila ng mga pinuno na magliligtas sa kanila sa kamay ng kanilang kalaban.