4. Pamamahalaan niya ang mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan ng Panginoon. Ang katulad niyaʼy isang pastol na nagbabantay ng kanyang kawan. Kaya mamumuhay sila nang mapayapa dahil kikilalanin ng mga tao sa buong mundo ang kanyang kadakilaan.
5. Bibigyan niya ng mabuting kalagayan ang kanyang mga mamamayan.Kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa at pasukin ang matitibay na bahagi ng ating lungsod, lalabanan natin sila sa pangunguna ng ating mga mahuhusay na pinuno.
6. Tatalunin nila at pamumunuan ang Asiria, ang lupain ni Nimrod, sa pamamagitan ng kanilang mga armas. Kaya ililigtas nila tayo kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa.
7. Ang mga natitirang Israelita ay magiging pagpapala sa maraming bansa. Magiging tulad sila ng hamog at ulan na ibinibigay ng Panginoon para tumubo ang mga tanim. Magtitiwala sila sa Dios at hindi sa tao.
8. Pero magdadala rin sila ng kapahamakan sa mga bansa. Magiging tulad sila ng leon na matapang sumalakay sa mga hayop sa kagubatan at sa kawan ng mga tupa sa pastulan. Kapag sumalakay ang leon, nilulundagan nito ang kanyang biktima at nilalapa, at hindi ito makakaligtas sa kanya.
9. Magtatagumpay ang mga Israelita laban sa kanilang mga kalaban. Lilipulin nila silang lahat.