1. Ito ang mensahe ng Panginoon tungkol sa Samaria at Jerusalem. Ipinahayag niya ito kay Micas na taga-Moreshet noong magkakasunod na naghari sa Juda sina Jotam, Ahaz at Hezekia. Sinabi ni Micas:
2. Makinig kayong mabuti, lahat kayong mga mamamayan sa buong mundo. Sapagkat sasaksi ang Panginoong Dios laban sa inyo mula sa kanyang banal na templo.
3. Makinig kayo! Lalabas ang Panginoon mula sa kanyang tahanan. Bababa siya at lalakad sa matataas na bahagi ng mundo.
4. Ang mga bundok na kanyang malalakaran ay matutunaw na parang mga kandila na nadikit sa apoy, at magiging lubak-lubak ang mga patag na kanyang malalakaran na parang dinaanan ng tubig na umagos mula sa matarik na lugar.
5. Mangyayari ang lahat ng ito dahil sa mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel at Juda. Ang mga taga-Samaria ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Israel para magkasala. At ang mga taga-Jerusalem naman ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Juda para sumamba sa mga dios-diosan.