5. Pagdating namin sa Filipos, nauna sila sa amin sa Troas at doon nila kami hinintay.
6. Pinalampas muna namin ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa bago kami bumiyahe galing sa Filipos. Limang araw ang biyahe namin at nagkita kaming muli sa Troas. Nanatili kami roon ng pitong araw.
7. Nang Sabado ng gabi, nagtipon kami sa paghahati-hati ng tinapay. At dahil bibiyahe si Pablo kinabukasan, nangaral siya hanggang hatinggabi.
8. Maraming ilaw sa itaas ng silid na pinagtitipunan namin.
9. May isang binata roon na ang pangalan ay Euticus na nakaupo sa bintana. At dahil sa haba ng pagsasalita ni Pablo, inantok siya at nakatulog nang mahimbing, at nahulog siya sa bintana mula sa pangatlong palapag. Patay na siya nang buhatin nila.
10. Pero bumaba si Pablo at dinapaan niya si Euticus at niyakap. Sinabi niya sa mga tao, “Huwag kayong mag-alala, buhay siya!”
11. At bumalik si Pablo sa itaas, hinati-hati ang tinapay at kumain. Pagkatapos, nangaral pa siya hanggang madaling-araw. At saka siya umalis.
12. Ang binatang nahulog ay iniuwi nilang buhay, at lubos silang natuwa.
13. Sumakay kami ng barko papuntang Asos. Doon namin tatagpuin si Pablo, dahil sinabi niyang maglalakad lang siya papunta roon.
14. Nang magkita kami sa Asos, pinasakay namin siya at pumunta kami sa Mitilene.
15. Mula sa Mitilene, tumuloy kami sa Kios, at nakarating kami roon kinabukasan. Nang sumunod na araw, nasa Samos na kami, at makaraan ang isa pang araw ay narating namin ang Miletus.
16. Hindi kami dumaan sa Efeso, dahil ayaw ni Pablo na maggugol ng oras sa lalawigan ng Asia. Nagmamadali siya dahil gusto niyang makarating sa Jerusalem bago dumating ang Araw ng Pentecostes.
17. Habang nasa Miletus si Pablo, may pinapunta siya sa Efeso para sabihin sa mga namumuno sa iglesya na makipagkita sa kanya.
18. Pagdating nila, sinabi ni Pablo sa kanila, “Alam ninyo kung paano akong namuhay noong kasama pa ninyo ako, mula nang dumating ako sa lalawigan ng Asia.
19. Naglingkod ako sa Panginoon nang may kapakumbabaan at pagluha. Maraming kahirapan ang tiniis ko dahil sa masasamang balak ng mga Judio laban sa akin.